Manila, Philippines – Nag-negatibo sa gunpowder nitrate sa isinagawang paraffin test ng PNP Crime Laboratory si Kian delos Santos.
Ayon kay Dr. Jane Monzon, Medico Legal Officer ng PNP Crime Lab – ang gunpowder nitrate ay nakukuha mula sa pagpapaputok ng baril.
Bukod dito, dalawang tama lamang ng bala ang tinamo ng binatilyo kung saan isa ay sa kaliwang tenga habang ang isa ay sa likod ng tenga at hindi aniya maituturing na malapitan ang pagbaril kay Kian.
Pero, nanindigan ang pinuno ng forensic team ng Public Attorney’s Office (PAO) na si Dr. Erwin Erfe na tatlong tama ng bala ang tumama kay Kian.
Ipinaliwanag din ni Dr. Erfe, ang layo at posisyon ng mga pulis nang barilin nang nakaluhod si Kian.
Samantala, nakipag-ugnayan na rin ang NBI sa PAO para isailalim muli sa otopsiya ang bangkay ng binatilyo.
Pero, sabi ng pamilya ni Kian pwede naman itong gawin basta’t sa loob ng kanilang bahay gagawin at may pahintulot mula sa PAO.