Cauayan City, Isabela- Pormal nang ipapahinto ang operasyon ng babuyan Partikular sa Minante Uno, Cauayan City, Isabela matapos mapag-usapan at mapagkasunduan ng panig ng may-ari at sa mga Sangguniang Panlungsod sa ginanap na session dito sa lungsod ng Cauayan.
Ito ay matapos sumulat ang Punong Barangay ng Minante Uno sa tanggapan ni Hon. Arco Meris ng Committee on Environmental Protection and Ecology kaugnay sa inirereklamo ng ilang mga residente na nasasakupan ng naturang barangay dahil sa mabahong amoy at masamang epekto nito sa kalusugan.
Nakumpirma umano ng mga nagtungong opisyal sa pangunguna ni SP Meris ang naturang sumbong kaya’t kanilang kinausap ang may-ari ng babuyan na si ginoong Manny Antalan na itigil na ang operasyon ng kanyang piggery dahil sa hindi magandang amoy at epektong naidudulot nito sa kanyang mga kapitbahay.
Bukod pa rito ay nabigyan ng palugit ang may-ari ng babuyan hanggang sa ika-lima nitong buwan ng Agosto upang mabenta ang mga alagang baboy.
Samantala, bagama’t napagkasunduan ng may-ari ng piggery at ni SP Meris ang pagpapahinto sa operasyon ng naturang babuyan ay inirekomenda pa rin ng mga Sangguniang Panlungsod na magpasa ito ng Resolusyon upang pagtibayin ang nasabing kasunduan.