Inirereklamong Bioethanol Plant sa Bayan ng San Mariano, Humingi ng Paumanhin!

*San Mariano, Isabela- *Humihingi ng paumanhin ang pamunuan ng Green Future Innovations Incorporated (GFII) sa mga residente ng Brgy. Mallabo, San Mariano, Isabela at sa mga karatig na barangay dahil sa masangsang na amoy ng kanilang inooperate na Bioethanol plant.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay ginoong Marcelo Karaan, isa sa mga opisyal ng GFII, bilang tugon sa reklamo ng mga mamamayan ay nagdagdag sila ng lime upang maibsan ang mabahong amoy na nagmumula sa lagoon ng naturang planta.

Makikipag-ugnayan din anya ang ilang tauhan ng planta sa mga barangay na apektado ng mabahong amoy upang mapag-usapan kung papaano nila ito lulutasin.


Ayon pa kay Ginoong Karaan, bago sila nag-operate ngayong taon ay mayroon na silang kasalukuyang ginagawang waterproof facility na kanilang ginagamit upang pahupain ang nakakasulasok na amoy.

Kaugnay nito, nakatakdang ipatawag ngayong araw ni Mayor Edgar Go ng San Mariano ang mga Pollution Control Officer ng nasabing kumpanya upang alamin ang kasalukuyang sitwasyon at dahilan sa muling pangangamoy ng planta.

Inatasan na rin ng alkalde ang mga namumuno sa Bioethanol plant na ayusin ang kanilang pasilidad upang hindi na maulit ang mga reklamo ng mamamayan at makaiwas rin sa anumang sakit na maaring maidulot ng umaalingasaw na amoy.

Facebook Comments