*Cauayan City, Isabela- *Pumapalo na sa mahigit tatlong bilyong piso ang naitalang pinsala sa Agrikultura at Imprastraktura dito sa lalawigan ng Isabela matapos ang paghagupit ng bagyong Ompong.
Sa iniulat ni ginoong Romy Santos, ang media Consultant ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela na bagamat walang naitalang casualties dito sa ating lalawigan ay matinding pinsala naman ang iniwan ng bagyong Ompong.
Batay sa inisyal na datos ng ating Pamahalaang Panlalawigan sa larangan ng Agrikultura ay nasa 1.9 billion pesos ang napinsala sa mga pananim na palay, nasa 1.2 billion pesos naman sa mais, habang sa mga pananim na gulay at saging naman at pinsala sa mga palaisdaan ay patuloy paring inaalam ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela.
Pumapalo naman sa mahigit 57 milyong piso ang naitalang pinsala sa mga imprastraktura na kinabibilangan ng mga school buildings at mga pampublikong gusali.
Kaugnay nito ay inaasahan pa ng ating Pamahalaang Panlalawigan na tataas pa sa inisyal na datos ang natamong pinsala dahil sa bagyong Ompong.
Sa ngayon ay patuloy pa ang isinasagawang inspeksyon sa mga bayan at coastal towns ng Isabela na nagtamo ng matinding pinsala dahil sa bagyong Ompong.