Suportado ng Task Force Mapalad ang hangarin ng Department of Agrarian Reform (DAR) na mapababa ang halaga ng bigas sa ₱20 kada kilo sa pamamagitan ng Mega Farm Project.
Ang Mega Farm Project ay isang kumpol ng magkadikit na mga sakahan na pinagsama-sama upang bumuo ng isang malaking plantasyon na may kakayahang gumawa ng malaking bulto ng mga produktong sakahan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mga mamimili.
Sa isang pahayag, hinamon ng grupo ang papasok na administrasyon na magpakita ng political will upang makamit ang inisyatibo.
Naglatag ng ilang suhestiyon ang Task Force Mapalad (TFM) upang maisaayos ang proyekto.
Kabilang dito ang garantiya mula sa gobyerno na kailangang lawakan ng mga bangko ang kanilang credit portfolio sa kanayunan, at kailangan ng DAR na ibigay sa mga magsasaka ang mahahalagang farm input gaya ng fertilizer, pesticide at gasolina sa mababang halaga.
Base sa mga pag-aaral na ginawa ng DAR, ang 150,000 ektarya ay maaaring makagawa ng 142 kaban ng palay kada ektarya kada taniman.
Kikita ang mga magsasaka ng ₱76,501.00 taon-taon para sa mga ARB.
Ang mga Pilipino ay mayroong pag-araw-araw na pagkonsumo ng bigas na 109.9 kilo kada taon.
Sa bilang na ito, may humigit-kumulang 9 na milyong Pilipino sa bansa ang mapapakain ng proyektong ito.