Initial report ng Ombudsman hinggil sa mga kapalpakan ng DOH, ilalabas sa mga susunod na linggo

Inaasahang ilalabas na ng Office of the Ombudsman sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo ang inisyal na imbestigasyon nito kaugnay sa umano’y pagkukulang at kapalpakan ng Department of Health (DOH) sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, sa ngayon ay hawak na nila ang ilan sa mga ebidensiya laban sa mga katiwalian sa DOH kaya posibleng sa mga susunod na linggo ay makapaglalabas na sila ng inisyal na imbestigasyon.

Kabilang sa mga iniimbestigahan ng Ombudsman ang pagbili ng DOH ng 100,000 COVID-19 test kits, naantalang pagbili ng Personal Protective Equipment (PPE) at iba pang kagamitan para maprotektahan ang mga healthcare worker at ang iregularidad na naging dahilan ng pagkamatay ng mga health worker.


Iniimbestigahan din ang tumataas na kaso at namamatay na mga frontliners, kawalan ng aksyon sa pagpapalabas at pagproseso sa kanilang mga benepisyo at financial assistance ng mga namatay na medical frontliners at delayed na reporting ng COVID related deaths at confirmed cases.

Hindi naman sinabi ni Martires kung isasapubliko nila ang kanilang inisyal na report.

Ikinadismaya naman ng Ombudsman ang hindi pakikiisa ng DOH sa kanilang imbestigasyon.

Facebook Comments