Manila, Philippines – Ipinag-utos na ng Korte Suprema ang consolidation ng mga petisyon na kumukwestyon sa ligalidad ng pagkalas ng Pilipinas sa Rome Statute ng International Criminal Court o ICC.
Dahil dito, sabay nang tatalakayin ng mga mahistrado ang petisyon ng Philippine Coalition for the International Criminal Court o PCICC at ang petisyon ng ilang Senador mula sa oposisyon na kapwa humihirit na idekladang null and void ang pagkalas ng pamahalaan sa ICC.
Tumatayong respondents sa kaso sina Foreign Secretary Alan Peter Cayetano, Executive Secretary Salvador Medialdea, UN Ambassador Teodoro Locsin Jr., at Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo.
Una nang itinakda ng Korte Suprema ang oral arguments sa nasabing mga petisyon sa July 24, 2018
Naniniwala ang mga petitioner na nagkaroon ng pagmamalabis ang Pangulo at nilabag ng Duterte Administration ang 1987 Constitution nang magdesisyon itong kumalas sa Rome Statute nang walang pagsang-ayon ng Senado.