Manila, Philippines – Ipinagpatuloy ng DOJ ang pagdinig sa reklamong kriminal laban kina dating Pangulong Noynoy Aquino at mga dating miyembro ng gabinete nito na kinasuhan kaugnay ng Dengvaxia case controversy.
Sa pagdinig kanina, nagsumite ang complainants na VACC at Vanguard of the Philippine Constitution ng kanilang reply affidavit sa DOJ panel of prosecutors.
Hiniling nila na sampahan ng DOJ sa korte ang respondents ng mga kasong negligence and reckless imprudence, technical malversation, causing undue injuries, at mga paglabag sa Procurement Law.
Samantala, inatasan ng panel of prosectors ang DOH officials na respondents sa kaso , na magbigay sa DOJ ng sample vial ng Dengvaxia vaccine kahit gamit o used portion na dahil mahalaga ito sa kanilang imbestigasyon.
Inihayag naman ni Presidential Anti Corruption Commission commissioner Atty Manuelito Luna na maghahain siya ng motion to withdraw para umatras bilang private complainant sa kaso matapos na ma-appoint sa Malakanyang.
Binigyan naman ng panel hanggang sa June 28 ang apat na Sanofi officials para magsumite ng kanilang kontra- salaysay.
Bigong sumipot sa pagdinig ang testigo ng VACC at Vanguard na si Dr Clarito Cairo ng DOH.
Itinakda ng DOJ sa July 20 ang susunod na hearing at paghahain ng rejoinder affidavit ng mga respondents.