Inmate na Dating NPA, Nakatanggap pa rin ng Tulong mula sa E-CLIP

Cauayan City, Isabela- Nakatanggap pa rin ng benepisyo mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng gobyerno ang isang dating kasapi ng New People’s Army (NPA) kahit na siya ay nakapiit sa Cauayan City District jail.

Sa isinagawang awarding ng E-CLIP benefits na ginanap sa Governor’s Cottage Provincial Capitol sa probinsya ng Quirino noong ika-17 ng Pebrero taong kasalukuyan, personal na tinanggap ng kapatid ni alyas Gilbert residente ng Barangay Disimungal, Nagtipunan Quirino ang halagang Php155,000.00 cash na gagamitin ng kanyang pamilya para sa kanilang pang kabuhayan.

Si alyas Gilbert ay nakakulong ngayon dahil sa kinakaharap na kasong murder.


Siya ay isang katutubong Agta at dating miyembro ng Platoon Uno ng Kilusang Gerilya Quirino – Nueva Vizcaya.

Sumampa si alyas ‘Gilbert’ sa rebeldeng grupo noong ika-20 ng Disyembre 2016 at sumuko sa pamahalaan noong ika- 13 ng Enero 2020 dahil sa hirap ng kanilang kalagayan.

Isinuko rin nito ang isang M16 armalite rifle bilang tanda ng kanyang tuluyang pagtalikod sa kilusan at bilang tugon ng gobyerno ay may katapat itong cash remuneration.

Pinangunahan mismo ni Quirino Governor Dakila Cua, BGen Danilo Benavides, ang Commander ng 502nd Brigade at si LTC Ali Alejo, ang Commanding Officer ng 86th Infantry Battalion, Philippine Army ang nasabing awarding kasama ang ilang kawani ng DILG-Quirino at ilan pang opisyal ng Isabela.

Ayon kay LTC Alejo, sa kabila ng pagkakulong ng dating rebelde dahil sa kinakaharap na kaso ay bibigyan pa rin siya ng kaukulang tulong legal bilang parte ng E-CLIP and Amnesty Cluster upang mapabilis ang paglitis sa kanyang kaso.

Facebook Comments