Kasunod ng inihaing electoral protest ni Pasig City outgoing Mayor Robert “Bobby” Eusebio laban kay Mayor-elect Vico Sotto, sinabi ng batang mayor na “inner peace to accept the truth” ang hiling niya para sa katunggali.
“Nag-file na po ng electoral protest ang kalaban ko. Sa akin, ok lang dahil lalong makikita ng lahat kung gaano ka-accurate ang resulta,” ani Sotto sa Facebook na may kasamang kopya ng electoral protest.
“Wishing my opponent inner peace to accept the truth. I’m just here, ready to work with him for a smooth transition, if & when he’s ready,” pagtatapos niya.
Sa isang panayam sa radyo nitong Biyernes, ibinunyag ni dating Commission on Elections (Comelec) chairman Sixto Brillantes na natanggap na nila ang electoral protest ni Eusebio laban kay Sotto.
Natalo ng 29-anyos at tinaguriang ‘millennial mayor’ si Eusebio sa midterm elections matapos lumamang nang halos 80,000 na boto.