Wagi ng 4-year scholarship grant mula sa Inner Wheel Clubs of the Philippines, Inc. at Inner Wheel Clubs of the Philippines Foundation, Inc. si Gilan Mae Fajardo, mag-aaral ng Nueva Ecija High School na kinatawan ng Inner Wheel Club ng Cabanatuan, District 377.
Nanalo si Fajardo sa essay writing at oral interview tungkol sa mga kasalukuyang isyu ng bansa at sa buong mundo.
Ang nasabing paligsahan ay isa sa mga proyekto ng nasabing organisasyon na tinawag na “Ako ay Pilipino contest” na nagsimula pa noong 1974.
Ayon kay Past District Chairman Cynthia Reyes, Chairman ng “Ako ay Pilipino contest” ngayong taon, layunin ng patimpalak na bigyang halaga ang pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok sa pagpapaunlad ng komunidad, pagiging mapagmatyag, responsible at mabuting ehemplo sa kabataan.
Ito rin ay may kaugnayan sa pagdiriwang ng ika-99 taon ng pagkakatatag ng Inner Wheel Clubs of the Philippines, Inc.
Ang Inner Wheel ay isa sa pinakamalaking organisasyon ng kababaihan sa buong mundo na itinatag noong Enero 10, 1924 sa Manchester, England sa pangunguna ni Margarette Golding.
Sa kasalukuyan, ang International Inner Wheel ay pinamumunuan ni Zenaida Yungco-Farcon.
Ang Inner Wheel Clubs of the Philippines, Inc., ay itinatag noong 1949 sa pangunguna ni Trinidad Legarda.
Sa kasalukuyan, mayroon 1,800 miyembro sa siyam na distrito sa buong Pilipinas at ito ay pinamumunuan ni Emily Quevedo-Duterte.
Layon ng kanilang organisasyon na magpatupad ng mga proyekto patungkol sa pag-unlad ng kakayahan ng kababaihan at kabataan, pagpuksa sa cervical cancer, pagtataguyod ng kamalayan sa mga karapatan ng kababaihan, at pagtuloy ng mga proyekto batay sa International Inner Wheel – United Nations Social Project “strong women, stronger world”.