Insentiba para sa electric vehicles, suportado ng MDPPA; ‘balanseng industriya’, kanilang panawagan

Suportado ng Motorcycle Development Program Participants Association (MDPPA) ang pagbibigay ng insentiba para sa mga electric vehicle (EV).

Sa inilabas nilang pahayag, bukas sila sa paglipat sa paggamit ng mga electric vehicle pati sa pagpapakilala ng mga e-motorcycle sa bansa pero importante rin na bigyang insentiba ang lokal na produksiyon at pagbuo ng mga ito.

Unang inihayag ng National Economic Development Agency (NEDA) na posibleng mapasama ang mga e-motorcycle sa listahan ng mga EV na mayroong insentiba dahil rerepasuhin ito sa Pebrero 2024.


Ang mga e-motorcycle ay hindi nabigyan ng insentiba sa ilalim ng Executive Order No.12 series of 2023 na pinapababa ang taripa para sa ilang uri ng EV at mga piyesa nito sa unang limang taon upang mapabilis ang pagpapakilala sa mga Pilipino.

Una nang nanawagan laban sa pagsama ng mga e-jeepney at e-trike sa EO ang MDPPA at ang Electric Vehicle Association of the Philippines (EVAP) upang maprotektahan ang lokal na produksiyon, ayon sa Department of Trade and Industry (DTI).

Inendorso rin ng DTI ang bersyon ng EO kung saan lahat ng uri ng EV ay makatatanggap ng insentiba sa Office of the President dahil suportado nila ang paglipat sa paggamit ng mga EV.

Sa pahayag naman ni EVAP President Edmund Araga sa media forum sa Maynila, suportado nilacang pagbibigay ng insentiba para sa mga e-motorcycle dahil wala pang lokal na produksyon nito sa ngayon.

Sinabi rin ni Stratbase ADR Institute President Prof. Dindo Manhit na ang rebisyon at pagbibigay ng insentiba sa mga e-motorcycle ay makatutulong sa inisyatiba ng gobyerno sa pagbuo ng sustainable transportation.

Facebook Comments