Insentibo para sa mga atletang Pinoy, pinadadagdagan ni Senator Angara

Higit ngayong iginiit ni Senator Sonny Angara na mapalaki ang insentibo para sa mga coach at mga atletang Pilipino na mag-uuwi ng medalya mula sa Southeast Asian Games o SEA Games.

Ang panukala ni Angara ay sa harap ng patuloy na pagsungkit ng ating mga atleta ng medalya sa ginaganap na 31st SEA Games sa Hanoi, Vietnam.

Nakapaloob sa Senate Bill 1225 na inihain ni Angara na itaas sa P400,000 ang kasalukuyang P300,000 na cash incentive para sa makapag-uuwi ng gintong medalya.


Itataas naman sa P200,000 ang kasalukuyang P150,000 na insentibo para sa makakasungkit ng silver medal habang gagawing P100,000 ang kasalukuyang P60,000 na reward sa magkakamit ng bronze medal.

Bukod dito ay nais din ni Angara na itaas ang cash incentives para s mga atletang magwawagi sa Asian Beach Games at Asian-level competitions na idinadaos kada dalawng taon at nilalahukan ng 25 mga bansa.

Dito ay nais ni Angara na gawing P600,000 ang kasalukuyang P500,000 na reward para sa gold medalist, habang itataas naman sa P350,000 ang P250,000 na insentibo sa silver medalist at gagawing P150,000 mula sa P100,000 ang ipagkakaloob sa bronze medalist.

Giit ni Angara, dapat lang suklian ang pagsisikap at dedikasyon ng ating mga atleta dahil ang sports ay hindi lamang daan para tayo ay malibang kundi nakakatulong para tayo ay makalma sa harap ng matitinding problema at pagsubok tulad ng COVID-19 pandemic at eleksyon.

Facebook Comments