Inirekomenda ni House Ways and Means Committee Chairman Joey Salceda na magbigay ng insentibo sa mga barangay at mga pamilya na magpapabakuna ng COVID-19 vaccines.
Ginawa ng mambabatas ang hirit na insentibo sa harap na rin ng tumataas na bilang ng mga nagkakaimpeksyon ng COVID-19 na hinihinalang dahil sa Omicron variant.
Partikular na bibigyan ng incentives ang mga barangay na makakapagkamit ng herd immunity at mga pamilyang maraming myembro na mapapabakunahan.
Bukod dito, pinabibigyan din ni Salceda ang mga barangay health workers ng bonuses at incentives na ibabatay naman sa porsyento ng mga unvaccinated individuals na kanilang madadala sa mga vaccination sites para mabakunahan.
Tinukoy ng kongresista na dapat na mabigyan ng benepisyo ang mga barangay health workers lalo pa’t sila’y underpaid at itinuturing na “backbone” sa lokal na pagtugon sa COVID-19.