Insidente ng kidnapping, tumaas dahil sa mga Chinese na nagsusugal sa bansa – PNP

Tumaas ang bilang ng kaso ng kidnapping na may kinalaman sa illegal loan shark business dahil sa pagdagsa sa bansa ng mga turistang nagsusugal, partikular ang mga Chinese nationals.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Elmer R. Cereno, tagapagsalita ng PNP-Anti Kidnapping Group, nakapagtala na sila ng 52 kaso ng casino-related kidnapping incidents kung saan naaresto ang 119 na Chinese kidnappers.

Marami aniya sa mga Chinese nationals na nagsusugal sa bansa ay dinadala ng mga junket operators mula sa mainland China.


Sila ay ineenganyong magbakasyon sa Pilipinas at kapag nandito na ay dinadala sa mga casino para magsugal at pinapautang pa ng pansugal.

Kapag natalo sa sugal, ang mga ito ay kinikidnap, ikinukulong sa isang hotel room, binubugbog at tinatawagan ang kanilang pamilya sa China para magpadala ng pang-bayad utang sa pamamagitan ng wire-transfer.

Bilang, pangontra dito, sinabi ni Cereno na inilunsad ni PNP-AKG ang mas mahigpit na koordinasyon sa kanilang foreign counterparts, Department of Justice (DOJ), National Capital Regional Police Office (NCRPO), Bureau of Immigration (BI), NAIA management at iba pang PNP territorial units.

Magsaaagawa rin aniya ang AKG ng “summit on casino debt related kidnappings”, kasama ang iba’t ibang law enforcement agencies at casino and hotel operators para mailatag ang action plan kontra dito.

Facebook Comments