Tumaas ang bilang ng mga insidente ng sunog sa Metro Manila ngayong taon.
Ayon sa Bureau of Fire Protection – National Capital Region (BFP-NCR), umabot sa 4,698 ang naitalang insidente ng sunog ngayong 2018.
Mas mataas ito kumpara sa datos na 4,646 noong taong 2017 kung saan nangungunang dahilan ng sunog ay ang problema sa kuryente at sumunod ang sigarilyo.
Sinabi naman ni Colonel Rizalde Castro ng BFP-NCR, malaking tulong ang Executive Order no. 28 ni Pangulong Rodrigo Duterte para maiwasan ang sunog dahil sa mga paputok.
Tiniyak ng opisyal sa publiko na paiigtingin nila ang “Oplan Paalala: Iwas Paputok” sa pamamagitan ng pagsasagawa ng inspeksyon sa pagsalubong ng 2019.
Sa ngayon, patuloy nilang binabantayan ang mga tindahan ng paputok na may sapat na permit mula sa mga lokal na pamahalaan at sa BFP.