Insidente sa pagitan ng Chinese Coast Guard at Philippine Navy sa Pag-Asa Island, naiparating na sa NTF-West Philippine Sea

Pormal nang ini-report ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Command sa National Task Force on the West Philippine Sea (NTF-WPS) ang nangyaring insidente sa Pag-Asa Island kahapon sa pagitan ng Philippine Navy at Chinese Coast Guard.

Ayon kay AFP Wescom Commander Vice Admiral Alberto Carlos, iniulat nila ito para magawan ng karampatang aksyon ng NTF-WPS.

Ito ay may kaugnayan sa ginawang pag-agaw ng Chinese Coast Guard sa isang floating object na nasa posesyon ng Philippine Navy.


Una dito, narekober ng Philippine Navy ang floating object na may 800 metro ang layo mula sa Pag-Asa Island at hinila pabalik sa Naval Station Emilio Liwanag nang bigla na lamang harangin ng Chinese Coast Guard Vessel ang rigid hull inflate boat ng navy at sapilitang kinuha ang naturang floating object.

Samantala, iniulat din ni Carlos na walang nasaktan sa kanilang mga tauhan dahil ipinatupad nila ang maximum tolerance.

Facebook Comments