INSPEKSYON SA HULING ARAW NG LONG WEEKEND, PINAIGTING NG LTO REGION 1

Pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) Region 1 ang mga inspeksyon at enforcement operations sa huling araw ng long weekend upang matiyak ang kaligtasan ng mga motorista at pasahero na nagsisimula nang bumalik sa kani-kanilang mga trabaho, tirahan, at paaralan.

Kasabay ng patuloy na pagdagsa ng mga bumibiyahe matapos ang holiday break at sa nalalapit na pagbubukas ng klase, nagsagawa ang LTO Region 1, sa pamamagitan ng mga District Office at ng Regional Law Enforcement Section (RLES), ng inspeksyon sa mga terminal ng Public Utility Motor Vehicles (PUVs) at roadside inspections sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon.

Layunin ng mga inspeksyon na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng Land Transportation and Traffic Code at iba pang kaugnay na batas, kabilang ang kondisyon ng mga sasakyan, kumpletong dokumento, at pagiging kwalipikado ng mga tsuper.

Ayon sa LTO Region 1, mahalaga ang tuloy-tuloy na enforcement lalo na sa mga panahong mataas ang volume ng biyahe upang maiwasan ang aksidente at masiguro ang maayos at ligtas na paglalakbay ng publiko.

Tiniyak naman ng LTO Region 1 na magpapatuloy ang kanilang mahigpit na pagpapatupad ng batas trapiko sa buong rehiyon, lalo na sa mga panahong inaasahang mas mataas ang bilang ng mga bumibiyahe.

Facebook Comments