Aprubado na sa ikatlo at pinal na pagbasa ang panukalang batas na magtatatag ng Malasakit Centers sa mga ospital sa buong bansa na pinangangasiwaan ng Department of Health (DOH).
Sa botong 185 Yes, 1 No at 7 Abstention ay nailusot ang House Bill 5477 na pormal na nagtatakda na isama na ang Malasakit program sa hahawakan ng DOH kasabay ng Universal Health Care program.
Ang Malasakit Center ang magsisilbing one-stop shop para sa mga mahihirap na pasyenteng nais humingi ng tulong medikal at pinansyal mula sa DOH, Department of Social Welfare and Development (DSWD), Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), at Office of the President (OP).
Tutol naman dito si Albay Represident Edcel Lagman dahil posibleng magamit na partisan tool ang Malasakit Center sa halip na medical outlet.
Hindi rin ito nahimay ng husto ng mga kongresista na aniya ay carbon copy lang ng bersyon ni Senador Bong Go na minadali ring pagtibayin sa Kamara.