Insurance sa magsasaka laban sa kalamidad, dapat palawakin na

Binuhay ni Senador Imee Marcos ang panawagan na palawakin ang crop insurance para sa mga magsasaka sa harap ng pananalasa ng mga kalamidad tulad ng paghagupit ng Bagyong Rolly.

Sinabi ni Marcos, libo-libong mga magsasaka sa Ilocandia, sa Central Luzon at Bicol ang nalubog na sa utang sa pananalanta ng mga katatapos lang na mga bagyo na nagpadapa sa mga palayan sa kalagitnaan ng anihan nitong Oktubre.

Dagdag ni Marcos, mahihirapang maka-rekober sa susunod na planting season ang mga magsasakang ang mga pananim ay hindi insured kaya apektado ang produksyon at seguridad ng ating pagkain.


Paliwanag ni Marcos, kapag saklaw ng sapat na insurance ay may tsansang makaahon ang mga magsasaka sa nabulilyasong anihan.

Pero ayon kay Marcos, hangga’t walang naipapasang kaugnay na lehislasyon, ay lagi na lang nga-nga ang mga magsasaka sa gitna ng kalamidad.

Una nang inihain ni Marcos ang Senate Bill 883 upang maparami pa ng Philippine Crop Insurance Corporation o PCIC ang 2.27 milyong magbubukid at mangingisda na naitalang insured laban sa mga kalamidad at pamemerwisyo ng mga peste.

Facebook Comments