Insurance system para sa mga OFW sa Saudi, siniguro ng Saudi Arabian government ayon kay PBBM

Magkakaroon ng insurance system para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Saudi Arabia.

Ito ang tiniyak ng labor minister ng Saudi Arabia kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos ang nangyaring bilateral meeting ng presidente kay Saudi Crown Prince Mohammed Bin Salman sa sidelines ng APEC Summit sa Bangkok, Thailand.

Ayon kay Pangulong Marcos, tiniyak sa kanya ng pamahalaang Saudi Arabia na hindi na mauulit pang hindi maibigay ang claim ng mga manggagawang Pinoy ng dahil sa pagsasara ng kanilang kumpanyang pinagta-trabahuhan matapos na magdeklara ng bankruptcy.


Sakali man aniyang malugi ang employer ng isang Pinoy sa Saudi, insurance ang magbabayad ayon sa pangulo para makuha ang sahod na hindi naibigay sa isang OFW.

Sa gitna nito’y kinikilala ni Pangulong Marcos ang ganitong hakbang ng pamahalaang Saudi Arabia na aniya’y malaking tulong sa mga manggagawang Pinoy na nagtatrabaho sa naturang bansa sa Gitnang Silangan.

Una nang inihayag ng Saudi Arabian government na babayaran ang mga naapektuhang OFW ng bankruptcy ng kanilang construction company Mula nuong 2015 hanggang 2016.

Facebook Comments