Manila, Philippines – Bagamat suportado ng Integrated Bar of the Philippines Lanao Del Sur-Marawi City chapter ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte ng martial law sa Mindanao, mariin naman nilang tinututulan ang ginagawa umanong pang-aabuso ng mga otoridad sa Marawi.
Sa kalatas na inilabas ng IBP Lanao del Sur-Marawi City makaraan ang ikinasang clearing operations ng AFP at PNP, nakakatanggap sila ng ulat mula sa mga residente doon na:
1) nagsasagawa ng paghalughog ang mga otoridad sa mga residential at commercial establishments kahit walang trace na andoon nagtago ang Maute group;
2) unauthorized intrusion o illegal na pagpasok sa mga residential at commercial establishments nang wala doon ang may-ari o presensya ng media;
3) pwersahang pagpasok sa mga residential at commercial establishments;
4) hindi pagsunod sa plain view doctrine;
5) at pag-ransack ng mga residential at commercial establishments nang walang otoridad.
Ayon sa IBP dahil sa ganitong gawain ng mga otoridad sa Marawi, marami ang nanakawan at laganap na rin ang looting.
Kasunod nito, umaapela ang IBP Lanao del Sur-Marawi city chapter kina Defense Secretary at Martial Law Administrator Delfin Lorenzana at AFP Chief of Staff at Martial Law Implementor General Eduardo Año na aksyunan ang reklamo ng mga kababayan natin sa Marawi.