Interes na kinita sa SAP funds, ipinadedeklara; naturang interes, ipandagdag na ayuda sa mga nangangailangan

Ipinadedeklara ni House Deputy Majority Leader Bernadette Herrera sa mga Local Government Unit (LGU) at mga bangko kung magkano ang inabot na interes o tubo ng pondo ng Social Amelioration Program (SAP).

Kasabay nito, hinimok ni Herrera ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ipang-ayuda ang interes na kinita ng ₱100 bilyon na pondo ng SAP na nakalgak sa bangko.

Aniya, kung pagbabatayan ang Land Bank savings account interest rate ay aabot sa ₱160 milyon ang interes na kinita ng SAP fund sa loob ng dalawang buwan.


Dagdag ni Herrera, dapat magkusa na ang Land Bank at iba pang bangko kung saan nakadeposito ang SAP funds na i-report sa publiko kung magkano ang eksaktong halaga ng interest income at magkano ang hindi pa naipamahagi na DSWD SAP funds na nakadeposito pa rin sa kanila.

Sa tantya ng kongresista, hindi bababa sa 20,000 dagdag na beneficiaries ng SAP ang matutulungan ng naturang interes.

Facebook Comments