Iginiit ni Albay Representative Edcel Lagman na hindi dapat masamain ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbusisi ng publiko sa kanyang sitwasyon lalo na sa estado ng kalusugan.
Ayon kay Lagman, may pakialam ang bansa sa kung saan man bumabiyahe ang Pangulo, o may kinalaman man sa ekonomiya, pangkalusugan o paglilibang ang kanyang biyahe ay karapatang malaman ito ng publiko.
Paliwanag ng kongresista, si Pangulong Rodrigo Duterte ay chief executive ng bansa at hindi isang ordinaryong mamamayan kaya dapat lamang na maging transparent ang gobyerno sa sitwasyon ng Presidente maliban na lamang sa mga pagkakataon na seguridad ang nakasalalay dito.
Dapat pa nga aniyang ma-appreciate ng pangulo ang concern na ito sa halip na maliitin o balewalain.
Karapatan aniya ng taumbayan na malaman ang mga aktibidad ng pinuno ng bansa dahil ito ay may epekto sa kanilang interes at kapakanan.
Mababatid na kumalat ang ‘fake news’ na may sakit ang Pangulo kaya ito nagtungo sa Singapore na agad namang pinabulaanan ng Palasyo matapos na humarap sa publiko kagabi ang Presidente.