Inihayag ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na magandang simula ito sa administrasyong Marcos matapos natuklasan na mas mabilis na ang internet download speeds sa fixed broadband at mobile sa bansa sa pagpasok ng Marcos administration.
Ito’y batay sa June 2022 report ng Ookla Speedtest Global Index.
Batay sa inilabas na report, tumaas sa 68.94Mbps ang fixed broadband median noong Hunyo mula sa 60.09Mbps na naitala noong Mayo.
Ang average download speed para sa fixed broadband ay naitala sa 94.66Mbps.
Bukod dito, bumilis din ang mobile median sa bansa matapos maitala ang 21.41Mbps ang download speed mula sa 19.26Mbps.
Ang average download speed naman para sa mobile ay nasa 50.57Mbps.
Ayon kay DICT Secretary Ivan John Uy, welcome development sa kanilang ahensya ang nasabing report upang maisakatuparan ang utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na pagbutihin pa ang connectivity at e-governance sa bansa.
Aniya, napabilis ang internet ng bansa dahil sa mabilis na pag-iisyu ng mga local government unit (LGU) ng permit sa telcos upang mapabilis din ang pagtatayo ng imprastraktura, tulad ng cellular towers at fiber optic network na kailangan sa pagpapabuti ng serbisyo at connectivity.
Samanatala, inaasahan naman na sa pagpasok ng Starlink ni Elon Musk ay bibilis pa ang internet connection sa bansa kung saan nasa 100Mbps hanggang 200Mbps ang download speed na alok ng kumpanya.