Bumilis ang internet sa Pilipinas noong nakaraang buwan.
Batay sa datos ng global speed monitoring firm na Speedtest ng Ookla, tumaas sa 68.94 megabits per second (Mbps) ang fixed broadband median download speed ng bans amula sa 60.09 Mbps noong Mayo.
Samantala, bumilis naman sa 21.41 Mbps ang mobile internet median download speed noong Hunyo mula sa 19.25 Mbps noong Mayo.
Ikinatuwa naman ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Ivan John Uy ang paghusay ng internet speed dahil ito aniya ay pagtupad sa marching order ni Pangulong Bongbong Marcos na pagandahin ang connectivity at e-governance sa bansa.
Samantala, ang pagbilis ng internet ay dahil sa pinasimple at pinabilis na paglalabas ng mga lokal na pamahalaan ng permit sa mga telco na nagresulta naman ng mas mabilis na pagtatayo ng kanilang mga imprastraktura gaya ng cellular towers at fiber optic networks.
Inaasahang lalo pang bibilis ang internet sa bansa kapag pumasok na sa Philippine market ang Starlink ni Elon Musk.
Nag-aalok ito ng high-speed, low-latency satellite internet service na may download speed na 100 Mbps hanggang 200 Mbps.