Pinasisiyasat ni Deputy Majority Leader Bernadette Herrera ang sitwasyon ng internet speed at connectivity sa bansa.
Sa House Resolution 1193, pinasisilip ng Kongresista kung bakit napakabagal at napakamahal ng internet connection sa bansa.
Tinukoy ni Herrera ang Speedtest Global Index for Mobile Internet kung saan sa 117 mga bansa ay nasa ika-113 na pwesto ang Pilipinas sa internet speed na may 16.95 megabits per second (Mbps) habang ika-109 na pwesto naman sa fixed broadband category na may average speed na 25.07 Mbps.
Lumalabas na mas mababa pa sa average global speed na 34.51 Mbps mobile speed at 81.46 Mbps sa fixed broadband category ang internet speed sa bansa.
Bukod dito, batay sa Daily Guardian, ang Pilipinas din ang may pinakamahal na singil sa internet kung saan ang $20 plan sa Russia ay mayroon nang 890 Mbps habang sa China at Lithuania naman ay 600 Mbps.
Habang sa Pilipinas, ang $20 plan ay nagbibigay lamang ng 5 Mbps na internet speed.
Ngayon aniyang may COVID-19 pandemic ay hindi lamang sa komunikasyon ginagamit ang internet kundi sa operasyon ng mga negosyo, kabuhayan, at maging sa pag-aaral.