Umakyat sa pandaigdigang ranking para sa mobile and fixed broadband internet speeds ang Pilipinas batay sa inilabas na gobal speed monitoring firm ng Speedtest ng Ookla.
Batay sa datos, mula sa ika-77 na puwesto ay naging ika-75 ang Pilipinas mula sa 137 na bansa na kabilang sa listahan.
Ito ay matapos umabot sa 32.84 megabits per second (Mbps) ang average mobile internet download speed ng Pilipinas mula sa naitalang 31.98 Mbps nitong Mayo.
Bukod dito, umakyat din sa tatlong puwesto ang Pilipinas sa bilis naman ng mobile upload mula 8.74 Mbps ay naging 8.92 Mbps kada buwan.
Ayon kay Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Gregorio Honasan II, bunsod ito ng effort ng ahensya sa paghahanda at pagpapaunlad ng internet speed ng bansa upang makipagsabayan sa global digital economy.
Samantala, patuloy naman ang suporta at aksiyon ng DICT sa industriya ng telecommunication and information services upang masiguro ang pag-akyat ng puwesto ng Pilipinas sa global rankings.