Internet speed sa Pilipinas, patuloy sa pagbuti – Ookla

Kapwa patuloy sa pagbuti ang fixed broadband at mobile download speeds sa bansa sa buwan ng Nobyembre, ayon sa Ookla Speedtest Global Index report.

Bumilis sa 75.02Mbps ang fixed broadband speed mula sa 71.08Mbps na naitala kumpara noong Oktubre. Ang latest download speed ay kumakatawan sa 5.54% monthly improvement para sa fixed broadband.

Bumilis din ang mobile speed sa average na  40.37Mbps mula sa 38.12Mbps noong Oktubre. Kumakatawan naman ito sa 5.90% monthly improvement para sa mobile.


Simula ng mag-umpisa ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, iniulat ng Ookla na lumobo na sa 848.42% ang overall download speed improvement para sa fixed broadband at 441.61% para sa mobile.

Iniuugnay ng telcos ang pagbuti ng internet speed sa matibay na political will ng Duterte administration sa pagsugpo sa red tape sa pagproseso ng mga kinakailangang permits sa pagtatayo ng imprastraktura, gaya ng cellular towers at fiber optic network, na kailangan para sa pagpapabuti at pagpapalakas ng  ng serbisyo at connectivity.

Kamakailan ay bumandera ang Pilipinas makaraang makapagtala ng pinakamalaking pagtaas sa  download speed, sa average na 5G download speed na 9.8 na beses na mas mabilis kumpara sa 4G, ayon sa November “Benchmarking the Global 5G Experience” report ng Opensignal.

Naungusan ng Pilipinas ang Taiwan, na dating nangunguna sa global leaderboard para sa 5G vs 4G Download Speed improvement.

Nanguna rin ang Pilipinas sa uplift chart para sa mobile video streaming sa 5G Video Experience score na mas mataas ng 34% kumpara kapag 4G ang gamit.

Sa kaparehong report, tinukoy na nasa roll-out phase pa ang 5G sa malaking bahagi ng global markets subalit nakapagtala na ang Pilipinas ng 5G download speed na 140.6Mbps.

Sa kasalukuyan, mayroong mahigit 1,800 5G locations ang Globe sa major at highly populated areas sa buong bansa.

Target naman ng PLDT and Smart na palawakin ang kanilang 395,000 kilometers ng fiber network nationwide upang suportahan ang kanilang fiber-to-the-home, LTE at 5G services.

Facebook Comments