Nag-anunsyo ang Association of Philippine Medical Colleges, Inc, o APMCI ng suspensyon ng internship at clerkship ng mga estudyanteng kumukuha ng medisina sa mga ospital sa Metro Manila.
Sa nasabing abiso na pirmado ni APMCI President Dr. Manuel Dayrit at naka-address naman sa mga dean ng medical schools at director ng mga accredited medical internship hospitals, pinasususpinde muna sa mga ospital sa National Capital Region (NCR) ang face-to-face internship at clerkship ng mga estudyante dahil sa pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa Metro Manila.
Gagawin na lamang aniya ang internship at clerkship rotation sa pamamagitan ng virtual mode at saka na lamang muli maglalabas ng abiso.
Sa mga ospital sa labas naman ng NCR, ang mga hospital director na ang pinagdedesisyon kung sususpendehin ang kanilang face-to-face internship at clerkship rotation alinsunod sa gabay ng national government, Department of Health (DOH), Inter-Agency Task Force (IATF) o ng Local Government Unit (LGU).
Sa mga clinical clerkship programs ng mga medical schools, inabisuhan na kung wala namang partikular na direktiba ang Commission on Higher Education (CHED), pinapayuhan ng asosasyon ang mga deans na magdesisyon sa suspensyon ng face-to-face rotation alinsunod sa gabay ng national government, DOH, IATF o ng LGU.
Pinapaalalahanan din ang lahat na obserbahan ang Universal Pandemic Precaution o UPP sa pagsusuot ng proteksyon laban sa COVID-19 tulad ng face mask at face shield, paghuhugas ng kamay, pagpapanatili ng maayos na bentilasyon sa mga lugar ng pag-aaral o trabaho, at ang magpabakuna laban sa COVID-19.