Hindi ito kwento galing sa Komiks. Hindi rin ito kabanata na hango sa isang lumang pelikula… Pero marami ng ganito sa Komiks…at marami na ring ganitosa pelikula.
Hindi inakala ng isang mason sa construction na ang isang masayang tagayan ng nakakalasing na inumin ay siya na palang huling pakikipag-jamming niya sa kanyang mga katrabaho.
Bandang alas 8:45 ng gabi kamakalawa, masayang nag-iinuman sina Wilson Janela y Habolin, edad 32, married at residente ng Vilmar Homes, Maboot St. ng Barangay Calauag, Naga City, Felipe Dolor y Regnim, edad 57, married taga Brgy. San Cerilo, Pasacao, Camarines Sur, Francisco Pacis y Almonte, Efren Calubag, Raffy Casadsad at isa pang lalaking nakilala lamang sa pangalang Orolfo.
Ang mga nag-iinuman ay nagtatrabaho sa isang construction kung saan si Wilson ay mason samantalang si Felipe naman ay foreman.
Ayon sa report, medyo nakakarami na ng naiinum ang tropa sanhi upang tumaas na ang kanilang mga boses at nagsimula na silang magkasalubong ng puntong pinag-uusapan at nauwi na nga ito sa isang mainitang pagtatalo. Hanggang sa dumating sa puntong kumuha ng bumunot ng kutsilyo ang foreman na si Felipe Dolor at inundayan ng saksak ang mason na si Wilson.
Si Wilson ay dali-daling dinala sa Bicol Medical Center na medyo may kalayuan din mula sa pinangyarihan ng krimen. Sa kasamaang palad, hindi na umabot ng buhay ang biktima – dead on arrival (DOA) sabi ng attending physician sa BMC.
Kaagad namang na-ireport sa otoridad ang pangyayari at sa mabilis na pagresponde ng mga pulis kasama ang mga barangay tanod ng lugar, nahuli ang suspect at kasalukuyang nakakulong habang inihahanda na ang kaso homicide laban sa kanya.
Naganap ang insidente sa Vilmar Homes, Maboot St., Barangay Calauag, Naga City.
Sising-sisi naman si Felipe sa kanyang nagawa subalit huli na ang lahat. Hindi dapat dinadaan sa init ng ulo ang pag-uusap lalung-lalo na kung ito ay pinapadaloy ng alak.
Kaugnay nito, patuloy sa pagbibigay ng reminder ang pulisya sa mga mahihilig lumaklak ng mga agwa-de-pataranta na iwasan ang lumagok ng sobra-sobra dahil kalimitan nauuwi ito sa disgrasya.
Inuman ng Magkatrabaho sa KALYE MABOOT, Nauwi sa Saksakan, Isa Patay sa Naga City
Facebook Comments