Posible pang madagdagan ang $13 billion na investment pledge na naiuwi ng Philippine delegation mula sa matagumpay na official working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Japan.
Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Department of Trade and Industry (DTI) Asec. Glenn Peñaranda na sa kasalukuyan kasi, hindi pa tapos ang ginagawang pagbibilang ng pamahalaan.
Marami pa aniyang business interest ang hinihintay nilang magkaroon ng impormasyon, lalo’t ang pagbisita aniya ni Pangulong Marcos sa Tokyo, ay nag-generate pa ng pagtaas ng interes ng mga mamumuhunan sa bansa.
Sinabi pa ng opisyal, ang mga pledges na ito ay sa iba’t ibang sektor na aktibo na ang Japanese companies sa Pilipinas.
Kabilang na dito ang linya ng electronics, automobile, clean energy, software development, telco, at infrastructure.
Mayroon rin sa agrikultura, pagpapalawak ng plantation para sa pinya, at maging sa linya ng property development.