Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Councilor Jong Gapasin, sa naganap na pulong, isa sa mga tututukan ng Indigenous People’s Organization dito sa Lungsod ng Cauayan ang pagpapatayo ng sariling Pasalubong Center.
Iminungkahi kasi ni City Mayor Jaycee Dy Jr. na dapat ang mga ginagawang pangkabuhayan dito sa Lungsod ay hindi lang nakasentro sa pag-aalaga ng mga hayop, bigasan o sari-sari store kundi pangkabuhayan na tatatak sa publiko o sa mga turista gaya ng mga produktong gawa sa mismong Kawayan.
Kaugnay nito ay napagplanuhan ng IP Organization sa pangunguna ni Councilor Gapasin na magtayo ng sariling ‘Pasalubong Center’ para doon na idisplay ang mga produktong gawa ng mga katutubo sa Lungsod tulad ng mga nahabing facemask o weaving products ng mga katutubo at mga produktong gawa sa Kawayan at kakanin.
Kabilang din sa mga napag-usapan ang pagpapalakas sa kakayahan ng mga IP tulad ng paghahabi o weaving ng mga Kankanaey group.
Ito ay bilang pagpreserba at pagpapamana na rin sa mga kaalaman at kultura sa mga sumusunod na henerasyon para hindi ito mawala o maglaho.
Ayon pa kay Gapasin, marami pang nakalatag na mga plano ang IP Cauayan na dapat pakaabangan ng mga katutubo kasabay na rin ng pagdiriwang ng IP Month ngayong Agosto.
Target naman ni Gapasin na tutukan ang pagtatalaga ng Pasalubong Center sa Lungsod sa katapusan ng Oktubre.
Hiniling din ng konsehal ang buong suporta ng LGU para maisakatuparan ang mga plano ng sektor ng mga katutubo.