Manila, Philippines – Mariing ipagbabawal ni PDP-Laban President Aquilino Koko Pimentel III na makapasok sa kanilang partido ang mga politiko na nasa drug list ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.
Ito ang inihayag ni Pimentel sa harap ng rekomendasyon ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa Commission on Elections (COMELEC) na i-disqualify ang mga kandidato na nasa narco list.
Ayon kay Senador Pimentel, walang tatanggaping politiko ang kanilang partido na nasa drug list.
Paliwanag ni Pimentel sakali aniyang may makalusot o magkamali sila sa pagtanggap sa nasa drug list, mayroon ang PDP-laban ng membership committee at executive committee na nagrerepaso at nagre-reject sa membership application.
Gayundin nagpapatalsik sa mga miyembro na may paglabag sa patakaran ng kanilang partido.
Una rito sinabi ng DILG na mayroong 93 local officials ang nasa narco list kung saan 58 dito ay pawang mga alkalde.