IPINAALALA | Social media, magagamit bilang epektibong komunikasyon sa panahon ng kalamidad

Ipinaalala ni Senator Grace Poe sa publiko ang paggamit sa social media bilang epektibong paraan ng komunikasyon sa panahon ng kalamidad tulad ng paghagupit ngayon ng bagyong Ompong.

Ayon kay Poe, makakabuti din kung gagamitin sa paglalathala ng impormasyon sa social media ang unified hashtags kaugnay sa masamang lagay ng panahon.

Sa pamamagitan ng kanyang twitter account ay pinayuhan ni Senator Gringo Honasan ang publiko at mga kasamahan sa Philippine Guardian Brotherhood Association na tiyaking ligtas ang kanilang mga pamilya bago makipag-ugnayan sa mga Local Government Units (LGUs) at Disaster Risk Reduction Councils.


Mensahe ni Honasan, sikaping maging ligtas at tumulong na maibsan ang pinsala ng bagyo sa mga apektadong komunidad.

Si Senators JV Ejercito at Sonny Angara naman ay nakiisa sa panalangin para sa mga residente ng Cagayan, Apayao, Quirino, Isabela, Ilocos Norte at iba pang lalawigan na direktang binabayo ngayon ng masamang panahon.

Si Senator Richard Gordon naman ay abala din ngayon bilang chairman ng Philippine Red Cross (PRC) at updated din ang kanyang twitter account kaugnay sa ginagawang pagtulong at mga impormasyon nakukuha ng PRC ukol sa mga biktima ng kalamidad.

Nag-post naman sa kanyang twitter account si Senator Cynthia Villar ng listahan ng emergency hotlines kaakibat ang payo sa lahat na mag-ingat at siguraduhing may nakahandang ‘go bag.’

Social media din ang gamit ni Senator Loren Legarda para paalalahanan ang publiko sa tamang hakbang kaugnay sa bagyo at storm surge.

Sa social media din nagbibigay si Senator Win Gatchalian ng update kaugnay sa sitwasyon sa Valenzuela City kung saan sya nakatira.

Facebook Comments