Manila, Philippines – Ipinababalik ni Akbayan Rep. Tom Villarin kay Solicitor General Jose Calida ang mga nakuhang pera nito sa gobyerno.
Ito ay matapos lumabas sa Commission on Audit report ang sobra-sobrang pondo at paggastos na ginagawa ni Calida sa OSG.
Sa COA report, aabot ng P10.8 Million ang allowance pa lamang ng mga OSG lawyers kung saan P7.8 Million dito ay napunta kay Calida na hindi hamak na mas malaki pa kumpara sa annual salary nito na P1.8 Million.
Giit ni Villarin, ibalik dapat ni Calida ang iligal na perang nakuha nito mula sa pondo ng OSG.
Hindi na aniya pwedeng mag-alibi at magpalusot dito si Calida dahil COA na mismo ang nakatuklas sa illegally acquired na pondo.
Mistula aniyang walang epekto kay Calida ang hagupit ni Pangulong Duterte laban sa corrupt officials dahil patung-patong na katiwalian ang pinasok nito.
Mababatid na ang security agency na pagmamay-ari ni Calida na Vigilant Investigative and Security Agency Incorporated ay nakakuha ng P200 Million contract sa gobyerno.