Manila, Philippines – Ipinagmalaki ng Department of Labor and Employment (DOLE) na dumarami ang bilang ng mga manggagawang na-regular sa kanilang trabaho.
Ito ay kasunod ng pinaigting na anti-endo campaign ng pamahalaan.
Sa datos ng DOLE, mula nitong December 3 ay pumalo na sa 411,449 workers ang na-regularized.
Kabilang dito ang 11,660 na manggagawa ng SM.
Subalit aminado si Labor Secretary Silvestre Bello III – na mababa pa rin ito kumpara sa bilang ng mga contractual workers sa bansa.
Aniya, 35% ng bilang ng mga manggagawang na-regular ay resulta ng pag-iisyu ng compliance order, habang 65% ang na-regular dahil sa boluntaryong pagsunod ng mga employer.
Ibinunyag din ng kalihim ang plano ng Employers Confederation of the Philippines (ECOP) na mag-regularize pa ng ibang manggagawa.
Sa ngayon, ang DOLE ay nakapagsagawa na ng inspeksyon sa nasa 137,000 establishments sa buong bansa mula noong Agosto 2016 hanggang Hunyo nitong taon sakop ang 9.4 million na manggagawa.
Aabot pa sa higit 900,000 establishments ang kailangang inspeksyunin ng ahensya.