Iginiit ng Department of Education (DepEd) na ang ipinamahaging printed modules ay hindi dapat ginagamit bilang sukatan para malaman ang kahandaan para sa pagbubukas ng klase sa October 5.
Ito ang pahayag ng kagawaran kasunod ng mga ulat mula sa iba’t ibang rehiyon at School Division Offices (SDOs) hinggil sa estado ng printing at reproduction ng Self Learning Modules (SLMs) na gagamitin ng mga estudyante kapag nagsimula ang klase.
Ayon kay Education Undersecretary for Curriculum and Instruction Diosdado San Antonio, ang status ng reproduction at distribution ng SLM ay hindi dapat ginagamit bilang ‘sole indicator’ sa kahandaan ng mga eskwelahan sa pagbubukas ng klase.
“Hindi puwedeng husgahan ‘yung kahandaan just because hindi pa nakakarating ang printed self-learning modules,” sabi ni San Antonio
Sa ngayon, nasa 179 mula sa 214 school division offices o 83.63% ang ‘on track’ sa paggawa ng modules habang nasa 35 school division offices o 16.36% ang nasa ‘progressing stage.’
Nasa siyam na rehiyon lamang sa bansa ang nakapag-distribute ng 1:1 student-module ratio.
Paliwanag pa ni San Antonio, maaaring gamitin ng eskwelahan at mga guro ang locally-developed learning materials bilang bahagi ng contingency maging ang mga textbooks na mayroong learning activity sheets at plans.
Sa mga susunod na grading quarters, tatapikin ng DepEd ang ilang private partners para sa pag-iimprenta ng SLMs para sa distribusyon.