Nakatulong ng malaki ang dalawang linggong Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila at kalapit lalawigan noong Agosto sa pagbaba ng infection rate ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay UP-OCTA Research Team Dr. Guido David, may kuneksyon sa pag-flatten ng COVID-19 curve ang pagpapairal ng MECQ.
Aniya, mula sa 1.5 noong Agosto ay bumaba sa 0.94 ngayong Setyembre ang reproduction number o R-naught ng COVID-19 cases sa NCR.
Sa pagtaya ng UP research team, sa katapusan ng Setyembre ay posibleng nasa 310,000 o 330,000 na ang COVID-19 cases sa bansa.
Samantala, sa kabila naman ng pagbaba ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila, tumataas naman ang kaso ng sakit sa Western Visayas.
Ayon kay Health Expert Dr. Anthony Leachon, karamihan sa mga naitatalang tinatamaan ng COVID-19 sa Western Visayas ay mga Authorized Persons Outside Residence (APOR), Locally Stranded Individuals (LSIs) at returning overseas Filipinos.
Ito aniya ang dahilan kaya hindi pa dapat magpaka-kampante ang publiko sa kabila ng deklarasyong na-flatten na ang curve ng COVID-19 lalo na sa Metro Manila at Calabarzon.
Para kay leachon, mainam na magdeklara ng modified enhanced community quarantine sa buong western visayas sa loob ng dalawang linggo hanggang isang buwan.
Sa Metro Manila, payo ni Leachon na ituloy lang ang mindset ng “Voluntary ECQ” upang magpatuloy ang pagbababa ng infection rate.
Batay sa huling datos ng Department of Health, nasa 237,365 na ang COVID-19 cases sa bansa kung saan 184,687 ang nakarekober at 3,875 ang nasawi.