Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nakatulong ang ipinatupad na price cap sa regular at well-milled rice nitong Setyembre para mapatatag ang presyo ng bigas sa merkado.
Ayon kay Marcos Jr., ito ang naging dahilan para tanggalin na nila ang pagpapatupad ng Executive Order 39 na nagtatakda ng price ceiling sa regular-milled rice na ₱41 kada kilo at ₱45 naman sa kada kilo ng well-milled rice.
Tiniyak naman ng pangulo, na patuloy ang gobyerno sa paghahanap ng paraan upang mapababa ang cost of production para maibsan ang pagsirit ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kabilang sa ginawang hakbang ng pamahalaan nitong mga nakalipas na araw ay ang pamamahagi ng 25-kilos ng bigas sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa iba’t ibang bahagi ng bansa.