Cauayan City, Isabela- Naghahanda na ngayon ang buong kapulisan ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa nalalapit na paglulunsad sa ‘project lovelife’ ngayong darating na Pebrero 14, 2020.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PCapt Mervin Delos Santos, hepe ng PNP Jones, pangungunahan ni Provincial Director PCol Mariano Rodriguez katuwang ang Land Transportation Office (LTO) ang mahigpit na pagpapatupad sa batas trapiko sa mismong araw ng mga puso.
Batay sa inilabas na Memorandum ng IPPO, hindi na mag-aatubili ang kapulisan na huliin at pagmultahin ang sinumang mahuhuling motorista na lalabag sa batas trapiko.
Mahigpit na ipinagbabawal sa pagmamaneho ang mga menor de edad at hindi pagsusuot ng helmet.
Layon aniya ng naturang proyekto na maproteksyunan at mailayo sa peligro ang mga motorista.
Ito ay upang mabawasan rin aniya ang mga nangyayaring aksidente sa lansangan.
Nanawagan naman ang hepe sa lahat ng motorista na maging responsable sa pagmamaneho upang makaiwas sa disgrasya sa kalsada.