Isang lalaki, arestado sa iligal na pagsusugal at iligal na droga sa Makati City

Kalaboso ang isang lalaki matapos masakote dahil sa iligal na pagsusugal at makuhanan pa ng iligal na droga sa Barangay Bangkal, Makati City.

Nakilala ang nadakip na si Willy Olivarez, isang driver at residente ng Barangay 94, Pasay City.

Isang concerned citizen ang nagsumbong sa mga pulis hinggil sa grupo ng kalalakihan na nagsusugal gamit ang dice sa gilid ng Osmeña Highway malapit sa PNR EDSA Station.


Agad na nagtungo ang mga otoridad sa nasabing lugar at nang makumpirma ang sumbong ay mabilis na kumilos ang mga otoridad pero isang tambay ang nagsisigaw kaya nagtakbuhan ang mga suspek.

Tanging si Olivarez lamang ang nakorner ng mga pulis makaraan itong madapa sa pagtakbo kung saan nang kapkapan ay nakuha sa kanya ang isang maliit na sachet ng shabu.

Aminado ang suspek na gumagamit ng shabu pero itinangging nagbebenta habang hindi naman maituro ang mga kasama niyang nagsusugal dahil hindi daw niya kilala ang mga ito.

Facebook Comments