Manila, Philippines – Irerekomenda ni Committee on Urban Planning and Housing Chairman Senator JV Ejercito na kasuhan ang ilang opisyal ng National Housing Authority o NHA, mga kontratista at iba pang kasabwat sa maanumalyang pabahay ng pamahalaan.
Giit ni Ejercito, dapat managot ang mga sangkot sa pagkasayang ng halos 30-bilyong piso para sa pabahay na nakalaan sa biktima ng bagyo, gayundin sa mga sundalo at pulis.
Pahayag ito ni Ejercito, makaraang lumabas sa pagdinig ng Senado na palpak at mahinang klase ang mga itinayong bahay at mayroong hindi na natapos dahil inabandona ng subcontractor na kinuha ng mga kontratistang napili ng gobyerno.
Sa pagdinig ay dalawang whistleblower ang humarap na nagpatunay sa pagkuha ng subcontractor para sa government housing para sa mga tinamaan ng bagyong Yolanda.
Una rito si Cesar Baluarte, may-ari ng CQ Baluarte na umaming kinuha syang subcontractor ng 3R Metalcraft na nagtatayo ng government housing sa Ormoc City pero hindi sila binayaran ng ipinangakong 10.4 million pesos kaya 70 percent lang ang kanilang natapos at nilayasan na nila ang proyekto.
Nagsalita din sa pagdinig si Camilo Salazar na nagsabing kinuha syang sub contractor ng JC Tayag Builders na si Rizalina Almazan para gumawa ng mga pabahay sa Eastern Samar pero tumalbog ang mga tseke na ibinayad sa kaniya.