Lagda na lamang ni Justice Secretary Crispin Remulla ang kulang matapos na mabuo ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act No. 11928 o ang batas para sa Separate Facility for Heinous Crimes.
Sa oras na malagdaan ang IRR ay magkakabisa ang batas 15 araw matapos itong mailathala.
Pangunahing probisyon ng IRR ng batas ay dapat itayo ang pasilidad sa lugar na malayo sa general population at ibang Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Hanggat maaari ito ay nasa loob ng military facility o isla na malayo sa mainland.
Mayroon din dapat na hindi bababa sa tatlong hiwalay na pasilidad para sa high-level offenders o tig-isa sa Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ang bawat pasilidad ay dapat na may hiwalay na gusali para sa lalaki at babaeng PDLs.
Magkakaroon din ng regular random drug testing sa heinous crimes convicts sa piitan.
Kinakailangan din na ang pasilidad ay may surveillance cameras at latest information technology at security systems na may kakayanan na i-monitor ang mga preso sa loob ng 24 na oras.