Bubuo ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ng Technical Working Group (TWG) para sa draft ng Implementing Rules and Regulations (IRR) kaugnay ng kapapasa pa lamang na tulong trabaho law.
Ang Republic Act 11230 o An Act Instituting a Philippine Labor Force Competencies Competitiveness Program and Free Access to Technical-Vocational Education and Training and Appropriating Funds ay layong makapagbigay ng libreng pagsasanay at financial aid para sa mga benepisyaryo ng kanilang training programs.
Ayon kay TESDA Deputy Director General Secretary Isidro Lapeña, magiging epektibo ang batas ngayong March 28 o 15 araw bago ang huling publication nito kung kaya at target ng ahensya na makapaglabas ng IRR bago o pagsapit ng May 27.
Paliwanag pa ni Lapeña na ang pondo para sa tulong trabaho law ay institutionalized kaya maging ang private technical vocational institutions ay magkakaroon ng access sa libreng technical-vocational education and training.
Sinabi din nito na sa ilalim ng batas, hindi lamang ang training fees ang sagot ng TESDA bagkus maging ang laboratory at iba pang administrative fees.