Nagkaroon ng pulong ang mga opisyal ng Land Transportation Office sa pangunguna ni Assistant Secretary Edgar Galvante at Committee on Justice and Human Rights Chairman Senator Richard Gordon.
Dahilan ng pulong na matiyak na ang bubuuing implementing rules and regulation o IRR para sa Motorcycle Crime Prevention Act ay tutupad sa layunin nito na masolusyunan ang pagtaas ng krimen na kagagawan ng riding in tandem.
Diin ni Gordon, ilang dekada ng ginagamit na instrumento ang motorsiklo sa pagpatay ng mga ordinaryong mamamayan, miyembro ng media, at iba pang personalidad tulad ng mga abogado, mahistrado, huwes, politiko at kahit mga pulis mismo.
Ayon kay Gordon, sa record ng Philippine National Police ay lumalabas na apat na kaso ng pagpatay ang naisasagawa ng riding-in-tandem sa kada araw.
Binanggit din ni Gordon na noong 2016 ay umabot sa mahigit 4,000 kaso ng motorcycle riding crimes ang naitala pero walo lang dito o .18 percent ang naresolba.
Sa nabanggit na meeting ay ibinahagi ni Gordon ang estratehiyang ginamit kaya ang color-coded number system na ipinatupad sa olongapo ay nagtagumpay sa pagpapababa ng krimen na ang mga sangkot ay sakay ng mga jeep at motorsiklo.