Umalis ngayong umaga mula sa Manila South Harbor ang BRP Tarlac (LD601) upang maghatid ng tulong sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong “Odette” sa Visayas at Mindanao.
Ayon kay Philippine Navy Spokesperson Commander Benjo Negranza, dala ng barko ang 350 tonelada ng relief goods at essential personal supplies mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), mula sa mga non-governmental organizations at mga pribadong donor.
Karga rin ng BRP Tarlac ang 150 tonelada ng mga kagamitan tulad ng AFP Mobile Kitchen, sasakyang militar na may tanke ng tubig, mga trak ng Meralco at Maynilad, at Bank on Wheels.
Sakay rin ng BRP Tarlac ang 200 miyembro ng contingent ng Marine Amphibious Ready Unit (MARU) ng 9th Marine Battalion na magsasagawa ng HADR operations sa mga calamity areas.
Ayon kay Negranza, ang BRP Tarlac na isa sa dalawang pinakamalaking barko ng Philippine Navy, ay kabilang sa 19 na barkong dineploy nila sa mga lugar na sinalanta ng bagyo.