Nadagdagan pa ang mga testigo laban kay Senator Leila de Lima na bumawi sa kanilang mga naunang pahayag.
Ito ay matapos na sabihin ni dating Bureau of Corrections OIC Rafael Ragos na hindi totoo ang mga sinabi niya noon laban sa senadora.
Sa kaniyang pinirmahang affidavit nito lamang Abril 30, sinabi ni Ragos na walang kakayanan si De Lima na gumawa ng kahit anong iligal lalo na ang masangkot sa kalakaran ng iligal na droga at tumanggap ng pera mula sa mga inmates.
Sabi pa ni Ragos, tinakot lamang siya ng noo’y Justice Secretary na si Vitaliano Aguirre para gumawa ng mga pekeng alegasyon laban kay de Lima.
Kasunod nito, humingi ng tawad si Ragos kay De Lima at iginiit na dapat lamang siyang ipawalang sala mula sa mga kinakaharap na drug charges.
Maaalalang noong 2016 ay tumestigo si Ragos sa isang pagdinig sa Senado kung saan sinabi nito na nag-deliver umano siya ng limang milyong piso sa bahay ng senadora noong 2012 mula sa kinita sa illegal drug trade sa loob ng New Bilibid Prison.
Nauna nang binawi ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa ang mga alegasyon laban kay De Lima pero iginiit ng prosecutor general na wala itong magiging epekto sa mga kaso laban sa kaniya.