
Isa pang grupo ng mga residente ng ARMM ang naghain ng comment-in-intervention sa Korte Suprema laban sa mga petisyon kontra sa Bangsamoro Organic Law (BOL) o Republic Act number 11054.
Kasama ni Atty. Algamar Latiph na registered voter ng Lanao del Sur sina Atty. Musa Malayang at Pendatun Disimban na humihiling sa Korte Suprema na ikonsidera ang kanilang komento dahil kabilang anila sila sa maaapektuhan kapag pinawalang bisa ang RA 11054.
Sa 22 pahinang komento, hiniling nila sa korte na ibasura na nito ang mga petisyong isinampa nina Sulu Governor Abdusakur Tan at ng Philippine Constitution Association o Philconsa dahil sa kawalan ng merito.
Ipinunto ni Atty. Latiph sa korte na walang nilalabag na probisyon ng saligang batas ang pagkakalikha ng BOL dahil wala namang itinatakdang probisyon na naglilimita sa Kongreso para pagpasa ng organic act.
Ipinunto rin nila na hindi inaalis ng RA 11054 ang autonomous government sa halip ay binubuwag lang nito ang bureaucratic organization para sa bagong Autonomous region.









