Isa na namang kadete ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang nasawi kaninang madaling araw.
Sa ulat ni PNP Spokesperson Brigadier General Bernard Banac, ang nasawing kadete ay isang babae na kinilalang si Cadet Fourth Class Jiary Jasen Papa.
Batay sa ulat ng PNPA alas-2:30 ng madaling araw kanina, nagising ang kadete at nagpaalam na gagamit ng comfort room at bumalik din sa higaan para matulog.
Makalipas ang ilang oras, muli itong nagising para sa kanyang morning activity pero bigla itong hinimatay.
Agad itong isinugod sa Academy Health Service para sa first aid at inilipat din sa Qualimed Hospital sa Sta. Rosa, Laguna, pero idineklarang dead on arrival ng mga doktor pasado alas-4:00 ng madaling araw kanina.
Batay sa doctor, namatay ang kadete dahil sa electrolyte imbalance o hypokalemia o kakulangan sa potassium.
Sa ngayon, naipaalam na sa pamilya ng kadete ang pagkamatay ni Cadet Papa habang tiniyak na makatatanggap sila ng financial assistance mula sa PNPA Cadetship Program at Public Safety Mutual Benefit Fund, Inc (PSMBFI).
Isinailalim din sa swab test para sa COVID-19 infection ang labi ng nasawing kadete.
Matatandaang kamakailan ay namatay rin ang isa pang kadete ng PNPA matapos na makaranas ng heatstroke habang nagti-training.
Sa ngayon inihinto na muna ng PNPA ang lahat ng aktibidad para sa PNPA Class of 2024 habang isinasagawa ang evaluation at assessment.